Isang gabi, napadaan ako sa isang restobar. May isang banda na tumutugtog habang ang mga mukha nila’y puno ng kolorete. Sa aking panonood, napansin kong labis na saya ang hatid nila sa mga tao sa pamamagitan ng kanilang musika, at isa ako don’n.
Tahimik akong nanonood sa bandang likuran nang maitanong ko sa sarili, “kailangan ba talagang may kolorete at mag mukhang payaso?” eh sa ganda pa lang ng mga kanta nila, tiyak na makukuha na ang kiliti ng mga manononood. Maya-maya pa’y bumaba sila ng entablado, sabay nagpatugtog ng iba’t ibang kanta ang DJ at saka naman nagsayawan ang mga tao sa gitna. Ako nama’y papunta sa banyo nang makita ko ang isang pamilyar na mukha. Siya’y may kausap sa telepono na tila sobrang problemado sa isang sulok. Hindi naman sa chismosa pero, mukhang mabigat ang dinadala nito. Bukod sa dinadala niyang gitara sa likod, napagtanto ko na isa pala siya sa mga tumugtog kanina. Naroo’t nakita ko ang kanyang mukha nang walang halong kolorete.
Agad namang nagbigay sagot ito sa tanong ko mula pa kanina; na minsan, ka-kailanganin talaga natin na magtago sa maskera upang magampanan ang papel natin sa buhay ng iba. Kasama ng mga ka-banda niya, gampanin nilang makapagpasaya ng tao gamit ang kanilang sining, at ‘yon ang musika. Gaya rin natin, may sinusuot rin naman tayong kolorete para mag mukhang kanais nais at matakpan ang pait ng buhay.
Osya! Hindi ko na napansin ang oras. Mauna na ako at kailangan ko pang kumayod pambili ng gamot ng aking ina.
On frame: Tanya Markova